Nakahanda na ang lahat, gaya ng dati.
Sa tuwing magkikita kami, na swerte na ang limang beses sa isang buwan, sinisiguro kong planado na ang lakad namin. Ayaw niya ng ganun. Ang gusto niya, gagawin namin kung ano lang ang maisipan naming gawin sa mga oras na iyon. Pero siyempre, ako ang nasusunod. Bakit nga naman hindi? Ako itong naghihintay lang ng tawag niya o text kung kailan kami pwede magkita.
Pero iba ngayong araw. Dahil hindi gaya ng dati, ako ang nagsabing magkita kami ngayon. Nagbaka-sakali akong pupwede siyang lumabas ngayon kasama ako.
Napaghandaan ko na ang lahat, mula sa mga gagawin namin, pupuntahan, kakainan at pag-uusapan. Lahat yan ay naisip ko na.
Hinintay ko siya sa may Ayala Triangle. Doon kasi kami palaging nagkikita. Alas otso ng umaga ang usapan namin pero nasa Makati na ko alas siyete y medya pa lang para makapaghanda ng husto.
Umupo ako sa tapat ng isang Philippine flag art piece. Sa tagal naming hindi nagkikita rito, hindi ko alam kung gaano na katagal yung piece na yun dito.
Ilang minuto bago ang tinakda kong oras ng pagkikita namin, nagtext siya sa akin na papunta na raw siya.
Araw iyon ng Sabado. Nagulat nga ko nang pumayag siyang makipagkita sa akin ng ganun oras. Kadalasan kasi, hapon kami ng Sabado kung magkita.
Nagtext siya na nandun na raw siya. Tinext ko siya at sinabing pupuntahan ko na lang siya kung saan sya nakaparada. Ngunit hindi gaya ng dati na parang takot na takot siyang makita na kasama ako kaya pinapadiretso niya ako sa kotse niya, nagkusa siya na sunduin ako kung saan ako nakaupo.
“Salamat sa pakikipagkita sa akin,” mahina kong bati sa kanya.
“Ano ba ‘yan. Para kang ibang tao. Busy lang talaga ako kaya hindi tayo nakakapagkita,” sagot niya.
Ganun pa rin ang dating niya. Wala kang mababanaag na kahit anong pag-aalinlangan sa kanya. Parang siguradung sigrado siya sa buhay niya. Kung sa bagay, sa edad niya, wala na siyang kailangang patunayan pa.
CEO siya sa isang malaking pharmaceutical company, anak mayaman, matalino.
Pagpasok ko sa sasakyan ay napansin kong nakasabit sa rear-view mirror ang medalyang napanalunan namin sa isang event na in-organize ng kumpanya nila.
“Bakit andito ‘yan?” tanong ko.
“Nakita ko yan sa kwarto namin last week, sinabit ko dyan para lagi kitang maalala,” sagot niya.
“Asus, kunwari ka pa. Nilagay mo lang yan diyan para kunwari masabi mo na namimiss mo ko.”
“Edi huwag kang maniwala.”
Noong nakaraang taon, pumasa ako bilang isa sa mga scholars ng isang kumpanya. Nag-organize sila ng isang event para sa mga empleyado nila at mga scholars. Dun ko siya unang nakilala.
“O saan ang lakad natin?” tanong niya. Gaya ng dati, kakain muna kami sa Rodic’s sa may Salcedo St. Pareho kaming sa UP Diliman nagcollege kaya paborito namin ang kainang ‘to. Tuwing magkikita kami, dito kami kumakain. Pero ito ang unang beses na kakain kami doon ng almusal. Madalas kasi tanghalian o hapunan na kung kumain kami dun.
“Dalawang tapsilog, Ate. Yung isa well done yung itlog, yung sa akin naman scrambled.” Tulad ng nakasanayan.
Nanibago ako nang umupo siya sa tabi ko sa table, hindi gaya ng dati na sa tapat para “walang maghinala.”
“Kamusta ka na? Ang tagal kong walang balita sa ‘yo ah,” sambit niya.
“Ikaw ‘tong hindi nagpaparamdam sakin. Sabi mo nga, bawal ako magtext sa ‘yo. Kaya nga nung nagtext ako sa ‘yo nung isang araw, di ko inexpect na sasagot ka,” tugon ko.
“Oo nga, bakit bigla kang nagtext? Ganun mo na ko namimiss?” Gago ‘to, nagpapa-cute pa sa ‘kin.
“Wala lang. Wala kasi akong magawa ngayon kaya kita tinext,” maikli kong sagot. Ayokong ipahalata sa kanya na a.) oo, sobrang namimiss ko na siya, at b.) maaaring ito na ang huli naming pagkikita.
“Buti nga nagtext ka. Wala din ako sa mood mag-golf ngayon.”
Dumating na yung inorder namin. Nagulat ako nang unahin niyang lagyan ng suka yung plato ko bago yung kanya. Dati-rati halos hindi kami magpansinan kapag kumakain; para lang kaming hindi magkakilala na magkashare ng table.
“Tama na,” sabi ko. Pero patuloy pa din siya paglagay ng suka.
“Tama na sabi, eh!” Nagulat ako na napataas ang boses ko. Hindi ko alam kung ano ba ang pinapatigil ko, ang paglagay niya ng suka sa plato ko o yung mismong pagiging biglaang sweet niya sa akin. Eh kung hindi nga naman siya wrong timing.
“Bakit nagagalit ka? Ikaw na nga ‘tong tinutulungan. Tsaka kunwari ka pa, alam ko namang halos isabaw mo na yang suka pag kumakain ka.” Halata pa rin sa mga mata niya ang pagkagulat.
“Sorry,” ang nahihiya kong sabi.
“Okay lang ‘yun, baka gutom lang ‘yan,” aniya, sabay kabig sa aking tagiliran. Medyo nailang ako sa ginawa niya. Hindi ako sanay na nakikipaglambingan siya sa akin sa harap ng maraming tao. Para tuloy ako ang nagtatago sa naging reaksiyon ko.
“Alam mo, I enjoy eating here only when I’m with you. One time, my officemates and I ate here and it was not as fun.”
“Nambola ka na naman. Kumain na nga lang tayo. Marami pa tayong gagawin.”
“There you go again with your strict plans. Ito na po bibilisan na.”
At nagpacute pa talaga. Nakakainis. Paano ko ngayon gagawin ‘to?
Nakakapanibago talaga siya. Ang ingay namin habang kumakain. Kwentuhan ng kung anu-ano. Kung ganito kami noon pa, baka…
Tatayo na sana siya para magbayad pero pinigilan ko siya. Ngayon man lang, kahit sa huling pagkakataon, malibre ko siya.
“Ako na magbabayad,” sambit ko. Tumayo ako at nagbayad. Tumayo naman siya at lumabas na upang manigarilyo.
“Kailan mo ba talaga ititigil ‘yan?” ang naiinis kong sita. Mula pa nang magkakilala kami, pinapatigil ko na siya manigarilyo pero hindi ata tala niya kaya. “Alam mo namang ilang taon na lang ang nalalabi sa buhay mo tapos babawasan mo pa?”
“Kailangan talaga laging pinapamukha sa akin na matanda na ako?” ang nakangiti niyang sabi sabay tapon ng sigarilyo niya sa sahig. “Iyon na ang huli ko.” Nakatingin pa rin siya sa sigarilyong nasa sahig. “Promise,” sabay tingin sa akin.
Hindi ko alam kung bakit. Hindi ko alam kung bakit sa dinami-dami ng araw na pipiliin niya para maging sweet sa akin, ngayon pa. Ngayon pa sa lahat ng araw siya nagkakaganito.
“What are we supposed to do next?” aniya.
“Punta tayong CCP,” ang maikli kong sagot. Umpisa pa lang ng araw pero parang gusto ko nang tapusin para lang mawala na ‘tong bigat sa dibdib ko.
“Bakit dun tayo pupunta?”
“Gusto ko lang makita ang dagat.”
“Bakit?”
Tatalon ako at magpapakalunod para matapos na lahat ng ‘to. “Wala lang. Gusto ko lang makakita ng dagat ngayon.”
“Haha! There you go again with your nature tripping.” Kilala na niya talaga ako. Alam niyang kung minsan, mag-aaya ako pumunta sa lugar na maraming puno o malapit sa dagat para makapagpahinga mula sa masikip at nagtataasang gusali ng Manila at Makati. “But can I ask you a favor? Ikaw bahala sa gagawin natin buong umaga, pero diskarte ko na mamayang hapon?”
Hindi ko na naman alam kung anong binabalak nito. “Bakit? Alam mo namang may nakaplano na ako hanggang mamayang gabi!”
“Sige na, please? Minsan lang ako magrequest na sirain ang schedule mo. I promise you won’t regret it.” At nagpacute na naman po siya.
“Fine. Basta ako ang bahala hanggang lunch, okay?”
“Deal.”
Matapos ang pakiusapan ay pumunta na kami sa CCP. Dun kami naupo sa bay area. Kapag nasa ganun akong lugar ay may tendency akong tumahimik at tumitig lang sa kawalan. Masarap lang kasi sa pakiramdam na kahit papaano, payapa yung kinalalagyan mo.
Kadalasan, kapag ganun ako ay kinukulit niya ako. Tinatamad at inaantok daw siya kapag ang tahimik ko. Kaya madalas ay kung anu-ano ang ginagawa niya para mapasalita ako.
Kaya ikinagulat ko na halos kalahating oras na pala kami dun ay di pa rin niya ako kinukulit. Katulad ko ay nakatitig lang din sya sa karagatan.
“Ang sarap ng ganitong pakiramdam ‘no? At peace ka,” aniya.
“Ano nakain mo at naging ganyan ka?”
“Masama ba? Ang tagal ko nang hindi nararamdaman ‘to and hopefully, matuluy-tuloy na.”
“Hindi naman. And good for you kung ganyan na nararamdaman mo,” sabi ko sa kanya. Alam kong may hindi siya sinasabi sa akin.
“Alam mo, I never thought this day would ever come,” ang mahina niyang sabi.
“What do you mean?”
“Nothing. nothing.”
“Alam mo ikaw kanina pa ako nawiwirduhan sa ‘yo ah. Kinakabahan na ako sa ‘yo. Ano ba kasing meron sa ‘yo?” Kinakabahan na nga ako sa gagawin kong araw tapos ganiyan pa siya. Balak niya ba talaga akong patayin?
“I know I was always stiff, always on guard, everytime we’re together. You know why,” aniya.
“Eh bakit ngayon biglang nag-iba?”
“Let’s just say things got better for us.”
“Ang labo pa rin, eh,” sagot ko.
Lampas isang oras pa kaming naupo dun. Kung pwede nga lang buong araw na. Kaso tulad nga ng napag-usapan namin kanina, siya ang masusunod pagdating ng hapon.
“Saan na tayo kakain?” tanong niya. Ang takaw niya talaga kahit kailan.
“Kakakain lang natin kanina, kakain na naman agad?”
“Sus kunwari ka pa, gusto mo rin naman. Alam mong ito ang bonding moment natin.”
Nagdesisyon siyang kumain kami sa Army Navy. Pareho naming paborito yung burger at fries nila. Pumili na siya para umorder habang ako naman ay naghanap na ng mauupuan.
Wala pa masyadong tao nun kaya madali siyang nakaorder. Umupo siya sa tapos ko at may inabot na envelope.
“Mamaya mo na buksan ‘yan,” utos niya.
“Ano ‘to?”
“Basta.”
Tinawag na ang numero namin kaya bumali na siya sa counter. Nagtaka ako nang pagbalik niya ay nakabalot sa paper bag ang mga pagkain namin.
“Doon tayo sa kotse kumain para mas maenjoy natin.”
Dumiretso kami kung saan nakapark ang sasakyan niya.
Pagkaupo na pagkaupo namin ay kumain na agat siya ng burger. Gutom na nga siya.
“Ang takaw mo talaga,” pang-aasar ko.
“Kaya mo nga ako mahal eh. Dahil may kasabayan ka sa pagkain.” Di ko masyado maintindihan ang sinasabi niya dahil kain pa rin siya ng kain.
Di ako nakasagot sa sinabi niya.
“O bakit ikaw hindi ka pa kumakain? Sige ka, ‘pag di mo pa kinain ‘yan, I’ll all of those,” ang patawa niyang sabi.
“Ito na, kakainin na.”
Matapos kumain ay nagpahinga kami saglit sa loob ng kotse niya.
“Huy mukhang inaantok ka na sa sobrang busog ah,” aniya sabay pisil sa kamay ko. Ngayon lang niya hinawakan ang kamay ko mula nang magkita kami kanina. Hindi pa rin talaga siya handa na makita kami ng ibang tao.
Sa hindi ko ring malamang dahilan ay inalis ko ang aking kamay mula sa kanyang pagkakahawak na siyang ikinagulat niya.
“Bakit? May problema ba?”
“Ah wala, inaantok lang ako. Di ko nga naintindihan masyado yung sinabi mo,” ang palusot ko.
“Oh sige matulog ka na muna, magdadrive na ko sa susunod nating pupuntahan,” tugon niya.
“Saan ba tayo pupunta?”
“Basta.”
“Wag mo ko kikidnapin ha,” pabiro kong sabi.
“Ewan ko sa’yo,” ang pabiro rin niyang sagot.
Saglit lang ay nakatulog na nga ako. Pagkagising ko ay nasa East Avenue na kami sa Quezon City.
“Saan tayo pupunta?” tanong ko sa kanya pero di siya sumagot. Inusisa ko siya kung saan kami pupunta.
Pwede kasing sa UP o sa Maginhawa dahil marami kaming gustong kainan dun pero hindi talaga siya sumasagot. Ngiti lang siya ng ngiti.
Paglabas namin ng East Ave. papunta sa ellipitical road ay unti-unti siyang gumilid papalapit sa Quezon City Circle.
“Ano gagawin natin dito?” tanong ko sa kanya.
“Basta. Kanina ka pa tanong ng tanong. Just wait, okay?” sagot niya sa akin.
Medyo napikon pa ako sa sagot niyang ‘yon. Kaya di ko na lang siya pinansin at tumingin na lang sa labas ng bintana para kahit naman papaano ay kumalma ako.
Ang ganda na ng circle. Di na katulad dati na prang nakakatakot pumasok kahit anong oras. Madami pa ring nag-eehersisyo. Kahit anong oras yata ay may makikita ka ritong tumatakbo, nagbibisikleta, o nag-e-aerobics. Mayron na ring maliit na theme park dito. Kaso sarado pa nung dumating kami dun.
Pumarada siya sa tapat ng isang tindahan. “Halika na,” ang sambit niya.
Lumabas ako ng sasakyang hindi pa rin alam kung ano ang ginagawa namin dito. Sinundan ko na lang siya.
Nang makita ko kung saan kami papunta ay ‘di ko mapigilang ngumiti. At napansin niya rin ‘yun.
“O bakit nakangiti ka diyan? I told you maghintay ka lang. May patampo-tampo ka pang nalalaman,” ang pang-aasar niya.
Pumasok na kami sa lugar. “Magkano po mag-rapell dito?” ang tanong niya.
“100 pesos per head per hour. P120 kapag may magtuturo,” sagot nang tagabantay.
Lumingon siya sa akin at nagtanong, “kelangan ko pa ba ng magtuturo sa akin?”
“Ako na bahala sa ‘yo,” ang tugon ko. Hindi pa rin maalis ang ngiti sa mukha ko. Mula nang magkakilala kami ay lagi ko na siyang inaaya na subukan ito. Marunong ako dahil sa CWTS namin. Pero ayaw niyang subukan dahil natatakot daw siya. Kinulit ko pa rin siya tuwing nagkikita kami hanggang sa tumigil na lang din ako.
Nagbayad siya ng para sa isang oras. Iniabot na sa amin ni kuya ang mga carabiner, gloves, at ang lubid na gagamitin.
Halatang halata sa mga mata niya na kinakabahan siya.
“Kung di mo talaga kaya pwede namang huwag na natin ituloy eh,” ang sabi ko sa kanya.
“Ano ka ba, itutuloy natin ‘to. Tutal, we already paid for it. Basta sagot mo buhay ko,” ang sagot niya.
Nang maayos nang nakasuot sa amin ang mga kagamitan ay umakyat na kami wall.
Sinilip niya kung gaano kataas ang bababain namin. Natawa ako nang makita siyang pinagpapawisan ng malamig.
“Sure ka bang kaya mo?” ang pang-aasar kong tanong sa kanya.
“Alam mo namang para sa ‘yo, lahat gagawin ko ‘di ba? Medyo late nga lang yung iba tulad nito,” ang sagot niya. Hindi ko alam pero parang ay iba pa siya ibig sabihin sa sinabi niya.
Para maturuan siya, ako ang unang nag-exit sa wall. Kabado siya pero ginawa pa din niya.
“Tapos dahan-dahan mong ibaba yung isang paa mo. Para ka lang naglalakad patalikod,” ang turo ko sa kanya. “Wag mo masyadong higpitan yung hawak sa lubid, baka bumaligtad ka niyan.”
“Tingnan mo ‘to, tinatakot pa ako,” ang kabado niyang sagot. Panay ang tingin niya sa baba.
“Wala kang makikita dyan kundi puro gulong at sina kuya. Wag kang matakot. Walang mangyayari sa ‘yong masama,” ang sabi ko sa kanya sa pag-asang mapapakalma ko siya kahit papano.
Maayos naman niyang nagagawa pero nang biglang lumakas ang hangin ay parang nataranta siya at nabitawan ang lubid. Buti na lang at naihinto agad nina kuya sa baba ang pagbagsak niya.
Halatang natatakot na siya. Nasa kalahati pa lang kami ng wall. Ang ginawa ko ay lumapit sa kanya at ikinabit ang kanyang carabiner sa aking carabiner.
“Wa ka nang matakot, ako na magbababa sa ‘yo,” ang mahinahon kong sagot sa kanya.
Isang impit na tungo lang ang naisagot niya sa akin.
Dahan-dahan kaming bumaba hanggang sa maitapak na niya ang kanyang mga paa sa mga gulong na nasa ibaba ng wall.
“Sorry, nagpanic ako,” ang sabi niya sa akin, halatang kabado pa rin mula sa nangyari. Tagktak ang pawis niya.
“Okay lang ‘yun,” sabi ko sa kanya habang nakaupo kami sa isa sa mga benches, “ako nga halos fifteen minutes bago ako nakababa nung unang beses ko subukan.”
Buti na lang at medyo napangiti siya sa sinabi ko.
“Pwede ba last na yun for the day? If you want you try it again, pero ako pass na muna,” aniya.
“Are you sure ayaw mo nang subukan ulit? Mas madadalian ka na ngayon dahil alam mo na kung papaano at kung ano mararamdaman mo,” paanyaya ko sa kanya.
“Pass na muna talaga ako,” ang nakangiti niyang sagot.
Sumubok pa ko ng mga tatlong beses pa ulit. Pinakita ko sa kanya yung iba’t ibang posisyon na pwedeng gawin sa pag-rapell. Nakita kong wala na ang kaba niya at natutuwa na siyang panoorin ako.
Gustung-gusto ko tuwing nakangiti siya at halatang masaya talaga siya.
Pagkatapos ko mag-rapell ay nag-aya ako magmeryenda. Nagpunta kami sa isang tindahan at bumili ng tig-isang buko juice.
“Mamimiss ko ‘to,” bulong ko sa sarili ko.
“Ano sabi mo?”
“Wala. Sabi ko ang sarap nito.”
“Gusto mo bilhan pa kita ng isa?”
Habang patagal ng patagal, lalo akong nahihirapan. Paano ko sisimulan? Paano ko sasabihin sa kanya? Paano kung umiyak siya sa harap ko? Hindi ko yata kakayaning makita siyang masaktan.
“Huy natulala ka na naman diyan,” ang sita niya sabay tapik sa balikat ko.
“May iniisip lang,” ang payak kong sagot.
Nagkukwentuhan kami nang biglang tumunog ang telepono niya. Tuwing magkikitak ami ng Sabado, madalas na may tumatawag sa kanya para sa trabaho. Minsan tumatagal ang usapan nila ng halos isang oras. Pero madalas, kinakailangan niya akong iwan para pumunta sa opisina niya.
“Di mo ba sasagutin yan?” tanong ko sa kanya.
“Hindi na. Gusto ko lang mag-enjoy ngayon kasama ka. Tsaka na sila,” sagot niya. Hinayaan lang niyang tumtunog ang telepono niya hanggang sa huminto ito.
“Punta tayo sa UP, gusto ko tumambay sa track oval,” paanyaya ko sa kanya.
“O sige, ubusin na lang natin ‘to tapos diretso na tayo dun,” sabi niya.
Pagkaubos namin ng juice ay nagpalit kami ng damit sa loob ng sasakyan niya. Siyempre hindi mawawala yung pang-aasar niya sa katawan ko. Maganda kasi ang katawan niya samantalang ako, parang ilang taon nang hindi kumakain.
Nang papunta na kami sa UP ay parang lumalakas ang tibok ng dibdib ko. Parang ayoko nang ituloy. Baka naman kaya ko pa.
“Andito na tayo. Ang tahimik mo bigla ah.” Napansin pala niya. Hindi ko alam kung nararamdaman niyang may binabalak ako.
“Dito tayo unang nagkita,” sabi niya. “Tandang tanda ko pa nun, grabe yung paggalang mo sa akin. Feeling ko santo ako or something.”
Hindi ako nagsasalita. Hindi ko alam kung papaano sisimulan.
“Kung hindi pa dahil sa best friend ko na advisor mo sa company, hindi mo pa ako kakausapin,” natatawa niyang sabi.
Patuloy lang siya sa pagsasalita habang inaalala niya kung paano kami nagkakilala at kung paano naging kami. Hindi ko alam kung napapansin niyang tahimik ako o masyado siyang natutuwa sa pagkukuwento kaya hindi niya yun alintana.
Alam kong may kailangan akong gawin. Kailangan kong umpisaham. Dahil kung hindi, hindi ko alam kung ano mangyayari sa akin. Baka sumabog na lang ako sa lahat ng emosyon na nararamdaman ko.
“Tapos nung sinama ka namin sa…”
“Tapos na.”
“Huh?”
“Tapos na.”
“Ang alin?”
“Ito.”
“Di kita maintindihan Migs,” ang nalilito niyang sabi.
“Kung anumang meron tayo. Tapos na ‘yun,” ang mahina kong sabi.
“Bakit?”
“Hindi ko din alam. Akala ko kaya kong tiisin yung sitwasyon natin. Pero hindi pala.”
“Migs naman. Huwag mo naman gawin to please. Huwag ngayon,” ang sabi niya. Nanginginig na ang boses niya.
“Kelan pa Francis? Kapag talagang hindi ko na kaya yung bigla mong pag-alis kapag may tumawag sayo sa trabaho? Kapag di ko na kaya yung sakit tuwing hindi ka nagpaparamdam sa akin dahil kasama mo yung asawa mo? Francis ang sakit sakit na.”
“Alam mo namang sinusubukan kong ayusin diba?”
“Pero kelan pa? Di na rin ako pinapatulog ng konsensya ko dahil sa ginagawa natin.”
Di na siya nagsasalita. Nang tingnan ko siya ay nakayuko na lang siya at umiiyak. Sa hindi ko malamang dahilan ay hindi ako umiiyak.
“Gusto ko ring maging masaya Francis nang walang taong nasasaktan. Ang sama sama na ng tingin ko sa sarili ko. At sa totoo lang, kung totoo yung sinasabi mong ako ang mas mahal mo, matagal ka nang gumawa ng paraan. Unfair na ‘to sa asawa mo.”
Parang biglang nawalan ng tao sa lugar. Kami lang ang nandun. Hindi pa rin siya nagsasalita.
“Unfair na rin ‘to sa akin. Mahal kita Francis, tang ina kung alam mo lang. Pero ang sakit na lang talaga.”
“Please, Migs, let me fix this. I’m so sorry that everything has been so hard for you. Pero beleive me when I say na everything will get better. Hindi na tayo magiging tulad ng dati” humihikbi niyang sambit. “I love you so much.”
“Ang hinihiling ko naman ay yung makasama kita nang alam kong tayo lang. Yung wala tayong taong inaagrabyado. Yung hindi tayo nagtatago sa mga kakilala mo. Yun lang Francis. Ang tagal kong hinihintay na mangyari yun.”
“Simula pa lang ng relasyong ‘to alam kong mali na eh. Nakasira ako ng pamilya. Sa tuwing sasaya ako, di mailis sa isip ko na may isang tao akong inaagawan. May isang tao akong inaagawan ng kaligayahan. At sa tuwing magkasama tayo, may isang taong naiiwang mag-isa.”
“Please, Migs. I’m begging you.” Ang lakas na ng pag-iyak niya.
“Nagpapasalamat ako na nakilala kita. Nagpapasalamat ako na minahal mo ko. Pero siguro panahon na lang talaga ngayon para tapusin na ‘to. Na isipin ko naman yung sarili ko at kung ano yung talagang makakapagpaligaya sa akin. Siguro pagsisisihan ko to sa susunod, pero ang alam ko lang, ito ang kailangan ko ngayon.”
Niyakap ko siya ng mahigpit at bumulong, “I’m sorry.”
Tumayo ako at naglakad papalayo sa kanya. Nang lingunin ko siya ay nakita kong umiiyak pa rin siya.
Parang gusto kong habulin niya ako at sabihin huwag umalis. Parang pinagsisisihan ko na lahat. Pero alam kong ito ang tama.
Sumakay ako ng jeep papunta sa sakayan ng bus. Lutang na lutang ang pakiramdam ko.
Pagsakay ko ng bus ay dun ko lang naramdaman yung envelope na binigay nya sa akin kanina na sinukbit ko sa bulsa ko.
Binuksan ko iyon at binasa.
File for nullity of marriage
Sa loob ng bus, habang papalubog ang araw, hindi ko na napigilang umiyak.
Tapos na. Hindi tulad ng dati, wala na siya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento